95% pagtaas ng HIV case sa Pinas dahil sa pagse-sex ng lalaki sa lalaki

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na ang pagsirit ng bilang ng mga tinatamaan ng HIV o Human Immunodeficiency Virus sa Pilipinas ay dahil sa pagtatalik ng lalaki sa lalaki.

Base sa record ng DOH, 95% ng mga bagong kaso ng HIV sa bansa ay nakuha sa pakikipag-sex ng mga lalaki sa kapwa nila lalaki at hindi nagmula sa mga sex workers.

Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, “95% of our new cases are men having sex with men. Hindi siya sa sex worker na babae. It’s from men having sex with men.”

Dugtong pa ng kalihim, “Ang estimate sa akin, kapag hindi namin pinigilan ‘to, by 2030, magiging 400,000 ‘yung persons living with HIV in the Philippines.”

Ang mga edad na saklaw ng record na ito ay mga Pinoy mula 15 hanggang 25.

Patuloy ang mga ginagawang HIV awareness campaign ng DOH para makontrol ang pagtaas ng kaso ng naturang sakit sa bansa.

Isa sa mga pangunahing payo ng DOH ay ang paggamit ng proteksyon sa pakikipagtalik upang maiwasang mahawa ng HIV tulad ng condom, lubricant, at ang pagsailalim sa Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) bago nakipag-sex.

Nauna nang sinabi ni Herbosa na ang Pilipinas ang nangunguna ngayon sa buong mundo na may pinakamabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng HIV.

Aminado ang DOH na nakaaalarma na ang sitwasyong ito kaya naman mas patitindihin pa ng ahensiya ang kanilang mga ginagawang mga HIV awareness program.

“Fifty-seven new cases a day, 500 percent increase ito. Tayo ang pinakamataas sa numero ng new cases of HIV sa buong mundo. Iyon ang nakakaalarma,” ani Herbosa sa isang panayam.

Kasunod nito, ibinalita rin ni Herbosa na nakipag-ugnayan na siya kay Pangulong Bongbong Marcos para hikayatin itong magdeklara na ng national public health emergency kaugnay sa tumataas pang kaso ng HIV.

“May mga programa kami na inumpisahan. Ako nga ay nanghihingi ng request sa Presidente na mag-issue rin ng national public health emergency diyan sa problema ng HIV, hindi sa Mpox. Sa HIV tayo may problema,” sabi pa ng kalihim ng DOH.